Sinugong dala-dalawa

Mk 6:7-13

Minsan may isang sundalong kababalik lang mula sa kanyang "tour of duty" sa giyera sa Iraq ang tinanong ng ganito, "Ano ang pinakaimportanteng bagay na natutunan mo sa giyera?" Mabilis itong sumagot, "Alam niyo natutunan kong mas mabuti ang maging kabilang sa isang team kaysa nag-iisa." Ipinaliwanag niya na habang nasa Iraq, naglalakad sila para suriin ang paligid ng sakop nilang lugar. May partikular na pormasyon sila kung saan nakapokus siya sa harapan niya samantalang ang kasangga niya ay binabantayan ang likuran niya. Siya naman, binabantayan din niya yung likuran ng nasa harap niya. Paliwanag ng kumander niya, ang taong mahilig mag-isa ay walang puwang sa giyera. Kailangang makipagtulungan siya sa mga kasamahan niya sa grupo para manatili silang buhay.

Nais kong pagnilayan natin ang punto sa Ebanghelyo kung saan sinugo ni Jesus ang labindalawang alagad ng dala-dalawa. Bakit dala-dalawa? Sapagkat nais ni Jesus na may teamwork sa pagtupad sa kanilang misyon. Na kung may mangyari sa isa, may titingin at aagapay. At sa kanilang pagpapahayag ng mabuting balita kung may nakalimutan ang isa maaaring maalala ng kasama. Kagaya ng sa kwento, bagama't may mga oras o sandali na hinihikayat tayong mapag-isa para makapiling ang Diyos, kailangan din naman natin ang tulong ng mga kasama na "babantay sa likod natin"--- maging ito'y asawa mo, mga anak mo, magulang mo, kasamahan mo sa parokya, o ang maka-Diyos mong kaibigan. Kailangan natin sila upang mapagtagumpayan natin ang araw-araw nating pakikibaka sa mundo. Katulad ng mga alagad ni Jesus, tayo ay isinugo din upang makibahagi sa kanilang misyon. Tayo ay tinawag para maglingkod sa ating komunidad, sa ating kapwa, sa ating lipunan. Natatandaan ko pa, gaya ng sinabi ni Pope John Paul nung siya'y nabubuhay pa, "It is not possible to live and grow in faith without the support of a group, of a Christian community. It is here you will learn together to build a better world."

Ibig ng Diyos na tayo ay magkaroon ng masidhing pagnanais sa ating puso na maibahagi sa iba ang nararanasan nating buhay kaisa ni Kristo. Katulad ng mga alagad, tinawag tayo at isinugo upang gawin ang misyong ipahayag ang mabuting balita ng kaligtasan...... Our society or even the family is under attack by evil one . . . . . adultery, drugs, and other vices that cause break up of families. Terrible sins like pre-marital sex, artificial birth control and abortions, even corruptions in government are becoming acceptable norms. Tinawag tayo upang lumabas at makidigma laban sa kasamaan katulad ng mga alagad na nagpalayas ng maraming demonyo sa inaalihan nito..... tulungan ang ating kapwa na madala sa isang malalim na pakikipag-ugnayan kay Jesus sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa at halimbawa. Sinugo tayo hindi lamang dala-dalawa kundi sama-sama upang maglingkod sa kapwa at magbantay sa ating lipunan. Sapagkat anumang mabuting ginawa natin ngayon ay kontribusyon natin sa mainam na buhay ng mga susunod na henerasyon. Ipahayag natin ang mabuting balita sa ating kapwa upang ang makalangit na biyaya ay sama-sama nating makamtan.

Ang pananatiling buhay sa pananampalataya ay hindi natin matatamo kung tayo ay nag-iisa at aasa sa sarili lamang. Lagi tayong makilahok sa mga gawain sa ating komunidad, sa ating parokya at sa ating lipunan. Makita nawa sa atin ang larawan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanyang mga aral. Mainam na suriin din natin ang ating mga sarili, sa halimbawa ng mga alagad. Paano ba ako nakaugnay kay Jesus? Paano ko ba nabantayan ang buhay espiritual ng aking kapwa? Naging instrumento ba ako ng paglago ng kanyang pananampalataya? Naging mabuting sugo o kawal ba ako na tagapagtanggol ng kaharian ng Diyos laban sa kasamaan?

Kagaya ng mga alagad, tayo ay isugo ni Jesus na puspos ng grasya ng Panginoon, manatili tayo sa kanya at magpatuloy na mabuhay sa kanyang aral. Gaya ng kwento magkaroon tayo ng team work upang manatiling buhay ang ating pananampalataya sa Diyos. Hayaan natin ang Diyos na gamitin tayo upang maging ilaw sa ating kapwa. Hayaan natin ang liwanag ng Diyos ang tumanglaw sa ating buhay. Sinugo tayo hindi lamang dala-dalawa kundi sama-sama. Humayo tayo at huwag matakot na ipahayag ang mabuting balita. Ang Panginoong Jesus ay kasama natin sa tuwina. Amen.

Comments

Popular posts from this blog

Bakit nga ba tayo nagsisimba?

Mga Hangarin sa Ating Sariling Pamilya