Bakit nga ba tayo nagsisimba?


Sa ating lingguhang pagninilay sa mga Salita ng Diyos lalung-lalo na ang Banal na Ebanghelyo ay ating mapapansin na mga pagkain ng tinapay ang ating binabanghay simula pa noong Hulyo 26 ang ika-17 linggo sa karaniwang panahon sa ating liturhiya. Maging hanggang ngayon Agosto 16 ika-20 na linggo sa karaniwang panahon ay nasa pagkain pa rin tayo. Matatapos ito sa Agosto 23 sa ika-21 sa karaniwang panahon. Kaya’t dito natin matatarok na ang buong ika-anim na kabanata ng ebanghelyo ayon kay Juan 6:1-69 ay tungkol sa ating pagkain ng tinapay na sebada, tinapay ng buhay, tinapay mula sa langit, tinapay na buhay at Espiritung nagbibigay buhay.

Noong ako ay tinedyer pa, nagsisimba ako dahil sa mga sumusunod na dahilan; Una, ang pagsisimba ay isang obligasyon lalo na sa araw ng Linggo at natatakot ako na magkasala ng mortal laban sa Diyos at tuloy ay mapunta sa impyerno kung hindi ako makapagsisimba. Ikalawa, ang pagsisimba ay isang tradisyon o nakasanayan nang gawain bilang Katoliko. Ito'y karaniwang bahagi sa iskedyul ng mga gawain ng pamilya sa loob ng isang linggo. At ikatlo, nagsisimba ako dahil umaasa ako na makakatanggap ng biyaya. Pumupunta ako sa simbahan na punung-puno ng kahilingan o intensyon para sa aking sarili at para sa aking mga mahal sa buhay. Sa aking pagkakaunawa, sapat na ang mga dahilang ito kung bakit ako dapat nagsisimba tuwing araw ng Linggo.

Bagama't ang mga dahilang ito ay lehitimo at ang ating Panginoong Jesus ay di nagkukulang sa kanyang pagmamahal at habag kaya tinutugunan Niya ang lahat ng ating kahilingan, mahalaga ring malaman at tandaan natin na ang mga nabanggit na dahilan ay hindi sapat upang ating maunawaan ang tunay na kahalagahan at kagandahan ng sakramento ng banal na misa. Marami sa atin ang salat at kulang sa kaalaman sa tunay na kahulugan ng pag-ibig ni Kristo na ipinahahayag sa atin sa pamamagitan ng kanyang paghahain ng sarili sa anyong tinapay at alak.

Sinasabi sa unang pagbasa, “Halikayo't kainin ang pagkain ko, at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo. Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay, at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”Mga kapatid, dahil dito, napakahalagang maunawaan natin na ang pagsisimba ay daan tungo sa buhay na walang hanggan. Ito ay higit pa sa pagsunod sa isang kautusan. Ito'y isang gawaing nagbibigay mismo ng kahulugan sa misteryo ng buhay-Kristiyano, ito ay isang gawain na naghahatid sa atin bilang mananampalataya tungo sa buhay na walang hanggang ipinangako ni Kristo.

Sa Ebanghelyo sinabi ng ating Panginoon na Siya ang tinapay ng buhay: “Tandaan ninyo: Malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”Kahit na napakarami ng natuklasan ang agham para sa kalusugan ng tao, wala pa ring pantaong paraan upang makamtan ang walang-hanggang buhay. Tanging si Jesukristo lamang ang nagpapahayag na siya ang bukal ng buhay na walang hanggan, na siya ang anak ng Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa mundo ng kamatayan. Pinili ng Diyos ang karaniwang tanda ng tinapay at alak noong huling hapunan bilang daan upang maipagkaloob Niya sa tao ang buhay na walang hanggan. Para sa daigdig at sa mga taong walang pananampalataya, ito marahil ay walang kabuluhan; ngunit para sa Kristiyanong nanana­lig kay Kristo, ito'y isang kayamanang di maipagpapalit ninuman.

Kung tayo'y nakikibahagi sa piging ng ating Panginoong Jesukristo at nagsasalo-salo sa kanyang laman at dugo sa anyong tinapay at alak, tayo ay dinadala sa isang natatanging yugto ng pagmamahal.

Isa sa mabuting bagay na nangyayari sa paglubog ng pagoda sa Bocaue, Bulacan noong ika-2 ng Hulyo 1993 ay ang kabayanihan at pagmamahal na ipinakita ng isang batang namatay matapos Niyang mailigtas ang ilang mga batang kasama sa paglubog ng Pagoda. Ang labintatlong taong gulang na bayani ay walang iba kundi si Sajid Bulig. Ayon sa salaysay si Sajid ay namaalam noong gabing iyon sa kanyang mga magulang upang sumama sa prusisyon ng Pagoda sa ilog ng Bocaue, Bulacan. Dahil sa dami ng taong sumali sa prusisyon, ang Pagoda ay lumubog at si Sajid, na isang mahusay na manlalangoy, ay kaagad -agad na nakaligtas. Ngunit hindi Niya nakayanang tingnan lamang ang mga taong nalulunod. Kaya sumisid siya sa ilog at iniligtas ang ilang tao hanggang sa sandaling kinakailangan na Niyang ialay ang kanyang sariling buhay para sa ikabubuhay ng iba.

Ang kabayanihan ni Sajid ay nagpapakita ng kanyang napakadakilang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Ang bawat pagsisid ni Sajid sa ilog upang sagipin ang mga nalulunod ay akto ng pagmamahal na nagpapahayag sa dakilang pag-ibig ni Kristo.

Ganitong uri ng pagmamahal ang ipinahahayag ni Jesus sa bawat pagdiriwang ng banal na sakramento ng Misa – ibinibigay Niya mismo ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga tanda ng tinapay at alak upang sagipin tayo sa ilog ng kasalanan. Sa misa, ibinibigay Niya ang kanyang buong pagkatao bilang Panginoon at tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang Salita at banal na katawan sa liturhiya. Ipinapanariwa ni Jesus ang kanyang sakripisyo sa Ama para sa kaligtasan ng tao. At tanging sa pananampalataya lamang siya makikilala at mararamdaman ang kanyang tunay na pananahan at pagmamahal.

Mga kapatid, tanungin natin ang ating mga sarili. Bakit nga ba tayo nagsisimba?

Walang ibang paraan upang laging papanaigin bilang gawing dahilan sa pagsisimba. Ang pagmamahal sa ating Panginoon ay higit pa kaysa sa pansariling dahilan. Sa kabuuan, ang pakikiisa kay Kristo sa Misa ay “sentro ng pribado, pang-iglesya at panlipunang pamumuhay ng bawat katoliko.” at hindi lamang itinuturing ang Eukaristiya bilang isang personal na debosyon lamang o obligasyon o isang paraan lamang ng pagkakamit ng pagpapala. Kasama ng pagpapa­ta­wad ng Panginoon ay muli tayong aanyayahan Niya   sa pagkaing nagbibigay buhay. Kilalanin natin tuwina si Hesus na bumaba mula sa langit upang ating maging pagkaing nagbibigay buhay. Manalig tayo sa Kanya upang dalhin tayo sa Ama na puno ng biyaya. Tanggapin natin ang kanyang PRESEN­SYA sa Banal na Eukaristiya na siyang tunay na pagkain ng ating buhay.Sabi Niya: “Ang nanana­lig sa akin ay may buhay na wa­lang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay".
Amen.

Comments

Popular posts from this blog

Mga Hangarin sa Ating Sariling Pamilya

Sinugong dala-dalawa